Friday, June 18, 2010

BUNDAT


Baliw! Nakababaliw ang pag-ibig.

Noong ikinasal kami ni Rudy samu’t-saring emosyon ang nagsumiksik sa aking damdamin. Tulad ng ibang dalagang inihahatid sa dambana, kasiyahan ang aking nadarama. Puli-pulidong kaligayahan na tila hindi kukupas kailanman. Kasabay ng pagkumpas ng kaligayahan sa aking puso, naroon sa pasilyo ang pag-awit ng kalungkutan. Hay, ito na siguro ang kalooban ng Diyos para sakin.Ang piliing mapalayo sa mga magulang para sa pag-ibig ng isang lalaki.

Sa gabi ng aming pulo’t gata, walang sisidlan ang kaba sa aking puso. Bawat pintig ay katumbas ng maraming tanong. Masakit kaya? Masarap ba? Anong dapat kong gawin? Hindi ko alam? OO nga, mahirap pa lang maging virgin! Nagdalaga ako at nagpakasal na inosente sa kasiyahan ng laman. Si Rudy tuwang-tuwa at tila sanay-na-sanay. Ewan ko, parang nasaring ang pagkabababe ko. Siguro hindi ako ang naunang babae kay Rudy. Pero, bakit ko pa iisipin yun e, asawa ko naman na siya.

Sumabay ang panahon sa pagpintig ng puso ko. Napintahan ng kalungkutan ang makulay naming buhay. Kumukupas ang kulay ng aming pagsasama – tila ba dini-dililigan ng sunod-sunod na bagyo. Halos lunurin na’ko ng pangungulila. Hindi naman sa hindi kami magkasundo, sensitibo pa rin ang puso ko sa paglalambing ni Rudy, ngunit limang buwan na mula ng kami ay kinasal hindi pa rin kami magkaanak. Nasasabik ako! Niinip! Naiingit! Bakit si Linda? Tatlong buwan pa lang silang nagsasama ni Ariel, na-delay na kaagad ang regla. Yun ang problema – hindi ako mabuntis-buntis, hanggang umabot ng isang taon.

Maraming nakisimpatya sa akin. Nakipagtsismisan. Ang kuwento namin ay parang kaning lamig na pinuputakti ng mga langgam. Gabi-gabi, halos hindi ako makatulog, hindi ako mapakali. – kinapalooban ng mga hinanakit ang puso. Maraming nagsa-suggest ng iba’t-ibang bagay na makatutulong daw para mabuntis ako. Kahit sa madaling araw umiiyak ako, kahit pa katatapos lang naming ni Rudy. Nanghihinayang ako sa mga pangarap ni Rudy para sa akin at para ( sana ) sa magiging anak namin.

Kahit lumaki ako sa mala-mongheng pamilya, iniisp ko na lang na kailangan kong gawin ang mga sinasabi nila sakin. Kahit minsan ayokong gawin, mahirap at parang nandidiri ako, iniisip ko na lang na kailangan kong gawin ang mga yun: tumuwad, mag-ipit ng unan, iba’t-ibang posisyon. Siguro nga desperado na’ko. Ewan ko ba, noong una hindi ko talaga masikmura pero sa tagal ng panahon ako na mismo ang lumunok ng katotohanan na maaring naubos na ng mga langgam ang matris ko.

Minsan para maiburol namin ang pananabik namin na magka-anak, hinihiram na lang namin ang mga anak ng mga pinsan ko. Doon ko nararamdaman ang silakbo ng damdamin ng isang ina. Para namang pinapaso ng init niyon ang puso ko sa tuwing nakikita ko si Rudy na tuwang-tuwa sa mga bata. Kung anak lang sana namin sila. May mga pagkakataon na nagagalit ang mga pinsan ko sa amin kesyo sinasanay daw namin ang mga anak nila sa luho. Masakit, parang pinapamukha sa akin na hindi ako magka-anak.

Hindi naman baog si Rudy, yun ang sabi ng doctor. Hindi rin naman ako. Normal kaming dalawa at tulad din ng madaming mga mag-asawa isang libong prosyento din ang posibilidad na magkaka-anak kami. Pero bakit? Sabi ng doctor acidic daw kasi kaming dalawa. Maari nga!
Madalas kasing uminom si Rudy kasing dalas din ng pagniniig namin. Minsan naririnig kong kinakantyawan si Rudy ng mga kumpare niya na baka kasi maliit yung sa kanya (hindi naman ah!). Umiiyak na lang ako, lalo pa at lalapit si Rudy sakin at magpaparaos. Luha! Yun na lang ang naghuhugas ng aking mga hinanakit. Mapait. Tulad din ng buhay pag-aasawa ko.

Magdadalawang taon na kaming mag-asawa ng magdesisyon akong tumigil na muna sa pagta-trabaho baka tulad din ng mga napapanood ko sa TV, masyado lang akong pagod. Walang akong ginawa kundi ang paghainan ng pagkain si Rudy bago pumasok sa trabaho, panoorin ang kanyang paglayo at hintayin ang kanyang pagbabalik – at manabik sa muli naming pagtatagpo sa gabi.

Pakiramdam ko wala ng saysay ang pag-se-sex namin. Ginagawa na lang naming yun para mailabas ang mga hinanakit namin sa buhay. Sa kabilang banda masaya na din ako dahil alam kong mahal na mahal ako ni Rudy. Hindi siya nagahahanap ng ibang kandungan.

Matagal-tagal ding hindi ko naramdaman ang init sa lugar namin. Hindi kasi ako lumalabas ng bahay, sawa na kong putaktakin ng mga usapan, lalo ko lang inililibing ang pag-asang magkaka-anak din kami ni Rudy. Ewan ko ba, pagnagse-sex kami, hindi na yun ang dahilan.

Gusto kong maging INA, lahat naman yata kaming mga babae yun ang pangarap; na kung titingnan naman ay nariyan lang sa lupa at pupulitin mo na lang, pero bakit parang sinadya ng Diyos na paliparin yung sa hangin at tuluyang ilambitin sa langit para sa akin. Ano bang kasalanan ko?

Inisip naming mag-ampon, pero iba ang gusto ko! Gusto ko yung dadalhin ko sa sinapupunan ko, di-dede sa akin. Iba ata ang emosyon ng tunay na anak.

May pag-asa pa naman, eh bakit yung kapitbahay naming na si Aling Adela at Mang Basyo, lumipas muna ang limang taon bago sila nagka-anak, kami ni Rudy e mahigit dalawang taon pa lang naman. Kung nakapaghintay sila, bakit ako hindi.

Para lang akong puno na matagal mamunga. Kailangan alagaan at diligan. Pero bakit ganun? Hindi naman nagkulang si Rudy sa pagdilig sa akin. Sobra pa nga, araw-araw. Siguro tulad ng isang puno, masamang lunurin sa tubig. Tama nga, nalulunod ako kay Rudy.

Pero may kunswelo pa din ang buhay. Masasabi kong nakakangat ako ng buhay kesa sa mga pinsan ko. May anak nga sila, wala naman silang pera. Nagmukha tuloy silang mga losyang at hukluban. Si Rudy, guwapo pa din. Na-isip ko rin, maganda na ngang hindi muna kami mag-anak, mahirap pa kasi ang buhay. Magpapayaman na lang muna kami.

Defense mechanism ko na lang ‘to. Dahil ang totoo sabik talaga akong magka-anak. Ayoko ko namang dumating ang panahon na kami lang dalawa ni Rudy ang magkasama. Hindi naman habang buhay kaya naming mag-sex.

Ayoko ko namang sumayaw sa Obando, nahihiya ako, para sa akin, pangmatanda lang yun, bata pa naman kami ni Rudy. Masigla pa ang mga eggcells ko, matagal pa bago ako mag-menapause.

Sa kabila ng kilokilometring dilim may natitira pa ring isang dangkal na liwanag, yan ang nakita ko sa sitwasyon namin. Nabuhayan ako ng loob. Naging pala-simba kami ni Rudy, panata na nga siguro. Naisip ko tuloy na baka nga parusa lang to sa amin, dahil mukhang nakalimutan naming ipagdiwang ang pagsasama namin na kasama ang Panginoon. Sa isang misa, nabanggit ng pari sa amin na minsan daw kaya hindi nagkaka-anak ang mag-asawa ay dahil may kasalanan muna silang dapat pagbayaran. Doon nasabi sa akin ni Rudy na may nauna na siyang pamilya, nagkaroon siya ng ka-live-in at 2 anak. Nagliyab ang puso ko. Binaha ng galit. Wala akong nagawa kundi tanggapin. Ganun naman dapat diba? Matuto tayong tumanggap sa katotohanan, kahit pa minsan para yung halimaw na nagdudulot ng kaguluhan sa puso mo.

Tinanggap ko pero nasasaktan ako, nalalaswaan ako. Hindi ko na masikmura ang paglalambing ni Rudy. Nususuka ako. Isipin ko pa lang na nagamit na niya “yun” sa ibang babae, ayoko na! Hindi ko alam, noon nasasarapan ako, ngayon, gusto ko ng bawiin lahat ng pagkakataon na sumisiping siya sa akin.

Mahigit dalawang buwan na kaming nag-aaway. Pero aaminin kong, ayoko rin namang maghiwalay kami, hindi naman kami nagsasama dahil sa sex lang o hindi naman talaga sex ang dahilan.

Ngunit dumating ang isang araw na nagising na lang akong galit na galit kay Rudy, gusto kong balikan ang pangloloko niya sa akin. Gusto ko siyang lasunin, siya naman ang lulunurin ko. Ewan ko, sinapian na yata ako ng masamang ispiritu. Sa isip ko, isa-isa kong binubunot ang mga buhok at kuko niya. Gusto ko siyang hubaran ng balat… nagdilim ang paningin ko… pero bago ko pa man maisakatuparan ang aking paghihiganti dumilim ang aking mundo at nahulog ako sa bangin.

Gumising akong tulala at hindi alam ang gagawin. Ngumiti sa akin si Rudy. “wag kang masyadong magpapagod makakasama sa bata!” Pumikit ako at muling nagpalamon sa dilim. Lumiliwanag ang aking mga tingin. Halos mabaliw ako sa kaligayan, lumipad ako at pinitas ang pangarap na matagal ng nakahain sa langit… ang kailangan ko lang pala ay maniwala at lumipad. #

____

Sinulat ko ang kwento na'to nung 2nd year college ako! haix, nakakatuwa at nasa cabinet-archive ko pa pala 'to!

3 comments:

  1. kaka-inspire na istorya..ang kailangan lang talaga ay magtiwala sa Kanya..kailangan lang ay maniwala at lumipad..

    ReplyDelete
  2. natuwa ako sa kwento kuya edel...lalo na dun sa menapause....parang chinchasu lng...hehehe..pero seryoso..panalong panalo yung istorya..pedeng ilathala sa mga pahayagan at gawing pang araw araw na babasahin..napakapayak ng istorya pero lubhang malalim yung gustong ipahiwatig ng bawat salita..Kudos kuya edel..galing galing mo talaga...

    ReplyDelete