Saturday, October 2, 2010

PASKO NA, ANDIAN NA SILA - ang mga BADJAO!


Umakyat ako ng jeep at pinilit na isiniksik ang sarili ko sa kapiranggot na espasyo na natitira sakin para magbayad ng siete sa biyaheng Philcoa hanggang SM North. Alas-siete ng gabi, paboritong oras ng trapik. Ang bagal ng andar ng dyip, mas mabilis ang paglalakbay ng mata ko sa mga gawain sa Quezon City Circle. Kumikinang ang kabilugan ng parke, napapalibutan ito ng mga punong kumukutitap sa iba’t-ibang kulay na ilaw.Unti-unti na yata nilang inaayos ang perya sa loob nito. Habang nagmumuni-muni ako, tamang-timing naman ang pagtugtog sa radio… “pasko na sinta ko!” ay pasko na nga!


Bigla kong naisip na nandiyan na rin sila.


“Mag-ingat sa mga mandurukot sa kahabaan ng North Ave” yan ang paalala ng driver. Deadma ang mga pasahero, busy sa mga hindi-tumatamang tinginan. Huminto ang dyip sa gilid ng Veterance Hospital, iyun ang hudyat sa mga tao na tila kanina pa nagdarasal na huminto na ang mga sasakyan. Umakyat ang isang binata, maitim ang balat, katamtaman ang taas at nakayukong inaabot ang mga sobreng mukhang noong isang taon pa niya ginagamit. Kunwaring hindi ko tatanggapin ang sobre, pero nilapag na niya yun sa ibabaw ng bag ko na nakapatong sa binti ko. Binigyan niya lahat ng sobre, at umupo sa may estrebo at saka sinimulang tumugtog gamit ang mga latang, pinagdugtong ng makakapal na itim na goma. Maganda ang musikang nililikha ng kanyang paghampas, habang nililibang ko ang sarili sa naiibang tugtugin, pinagmamasdan ko ang sobre. Nangungusap ito, binibigkas noon ang salitang -- awa. Nakasulat na magbigay ng pera para sa kanilang pagkain. Naroon din ang pagbati ng maligayang pasko mula sa isang Badjao. Malapit na nga ang pasko dahil nandiyan na sila.

Pasko na, dahil nariyan na sila. Hindi man maganda pakinggan pero ito ay tila isang totoong testamento, sigurado akong hindi lang ako magsasabi nito.

Hindi ko lang sila sa North Avenue nakikita, naroon din sila sa Novaliches, sa SM Fairview, sa harap ng North Olympus sa Zabarte – hindi ko na alam kung saan pa, pero nariyan sila para umakyat sa dyip, tumugtog at manghingi ng aginaldo. Hindi mo man maintindihan ang mga awit nila, alam mo kung ano ang layunin ng kanilang mga puso sa oras na inabot na nila ang sobre.
Marami ang nagtatanong kung saan ba sila nanggaling, paano sila nakarating sa kanilang mga destinasyon kung tila wala naman silang perang pampamasahe. Pero maliban sa mga tanong na yan, meron pang mga bagay na dapat mas pagtuonan ng pansin nating lahat at ng ating mga pinuno.


Saan sila natutulog? Paano sila namumuhay sa mga espasyong hindi nila kabisado. Paano nila inaalagaan sa gitna ng daan ang kanilang mga anak? Paano rin sila pino-protektahan ng gobyerno? Paano nila inaalagan ang mga lugar na malayo sa pang-araw-araw nilang buhay. Napagmasdan ko minsan kung paano sila mamuhay sa kalsada ng Novaliches, sa gilid ng isang paaralan. Sinakop nila ang inabandonang tinadahan, naroon ang kanilang mga supling na naglalaro kasama ng mga usok ng mga sasakyan. Ang madudusing nilang damit ang naging palamuti ng pansamantala nilang tahanan. Masaya ang kanilang mga galaw, pero ipagpatawad niyo, dahil talagang natakot akong mapa-daan doon. Hindi ko alam, may basehan nga kaya ang nararamdaman kong pangamba? Sabi nila, wag daw mag-abot ng barya sa kanila dahil sila ay hawak ng mga sindikato! Lalo tuloy akong natakot.


Saka ko na iisipin ang takot, dahil gusto ko silang maging kaibigan dahil sa naiiba nilang tugtugan. Kung pag-aaralan mo ang musikang kanilang nililikha, ito ay may sariling pangalan at kayang magpakilala ng bagong tunog na mamahalin nating lahat. Ang musikang likha nila, tulad ng ibang sining ay may angking ganda na maaring humalina sa ating damdamin. Ito ay may sariling himno at patakaran. Sana nga ito ay maisama sa maka-sining na pagtatanghal. Naniniwala akong kayang makipagtulungan ng musikang ito na buhatin ang ating bansa sa pandaigdigang tungalian sa musika.


Sino kaya ang susugal para sa kanilang mga awitin?


Sa layo ng itinakbo ng isip ko, muntikan nakong lumampas, buti na lang nagsalita ang driver, “SM North na po!” Bumaba akong sumasayaw sa kanilang mga pangarap. Sana bago dumating ang pasko, maging kaibigan ko sila, malaman ko kung saan sila talaga nanggaling at makita ko ang inspirasyon ng kanilang sining. Sana ay magawa kong maki-pagniig sa kanilang kultura at maging isa sa kanilang pagmamahal sa sarili.


Sana hindi pa huli ang lahat na itayo ang kanilang lahi, naniniwala akong sa kanilang hanay ay ang mga magigiting na alagad ng sining, mabubuting mamamayan na gugustuhin pang bumaba ang tingin sa sarili kesa gumawa ng masama – at dahil dun sila ay lubos na kahanga-hanga.


Pasko na dahil nariyan na sila, kung wala ng pasko ay maaaring umalis na din sila. Pero may pasko man o wala, sila ay nariyan, gagawa ng musika para sa atin, hindi man para sa konting barya, para sa pagpapahayag ng kanilang kultura at paniniwala.

2 comments:

  1. great blog entry sir edel! :)

    indeed, we really can't blame them, for there would be deeper stories behind their music, behind their actions, behind their culture and convictions.

    I so miss facilitating with YES. Hoping to have a chance to widen the eyes of these kids, so they can aim for change, aim for attaining their dreams, and aim to make difference.

    I miss you sir edel and your inspiring thoughts as well. God bless in you next journey :)

    ReplyDelete